Tuloy ang Pagtataya: 52 Erya Kids Dumalo sa ACP
ni Eloisa Belle Lingcod

Bilang pagpapalawig sa adhikain ng Gabay Erya Formation Program sa ilalim ng Education Operations Committee, ginanap ang Alternative Classes Program (ACP), na may temang “Tuloy,” noong Ika-25 ng Nobyembre, 2023 sa Colayco Pavilion. Nagtagal ang programa mula 8:00 n.u. hanggang 4:00 n.h., kung saan 52 mag-aaral ng ikalima at ikaanim na baitang mula sa Industrial Valley Elementary School at Holy Spirit Elementary School ang dumalo kasama ang kanilang mga guro at magulang

Masiglang itinanghal ng mga mag-aaral ang ACP dance bago opisyal na dumako sa pangunahing bahagi ng programa. Kaagapay ng Ateneo Gabay ang mga sumusunod na organisasyon sa paghahanda at pagsasagawa ng mga klase sa Kostka Hall at Berchmans Hall: Pre-Medical Society of the Ateneo (PMSA) para sa “Trangkaso? Ano Ba ‘Yun?,” Project LAAN para sa “Personal Hygiene,” Baybayin para sa “Lakbay sa Mundo ng Wika,” at Ateneo Chemistry Society (ACheS) para sa “Ano ang naiisip mo sa salitang Chemistry?” Hinati sa apat na pangkat ang mga mag-aaral—Mickey, Minnie, Donald, at Daisy—upang masiguro at mapanatili ang organisadong daloy ng programa. Nagsilbing pangwakas na klase ang arts and crafts na ginanap sa Colayco kung saan nananghalian din ang mga mag-aaral.

Ipinaliwanag nina Evea Marie Alviso at Tracy Nicole Descallar, ACP project heads, na hangad nilang maibahagi ang kalidad na edukasyon sa pokus na sektor ng Gabay sa pamamagitan ng pag-anyaya sa Erya kids na makibahagi sa mga talakayan at edukasyon na maaaring hindi abot-kamay ng kanilang paaralan. Alinsunod sa layunin ng EdOp, nais din nilang pagyamanin pa ang relasyon ng mga Gabayano at Erya kids bilang pagpapatibay sa “pagtataya” na taong-gulang nang nakakintal sa organisasyon.

Nagkaisa ang mga mag-aaral sa pagpili sa kimika o chemistry bilang kanilang paboritong klase—patunay na nakamit ng ACP ang layuning makapagbigay ng oportunidad sa mga elementaryang mag-aaral na makatunghay ng mga aktibidad na kalimitang nahahadlangan ng kakulangan sa pasilidad at kagamitan. Higit pa dito ay nagtagumpay rin ang programa na pukawin ang interes at hasain ang kaalaman ng mga mag-aaral.

Malugod na ginampanan ni Jeff Kent Daragay ang pagtuturo ng naturang paksa sa mga bata. “Talagang nag-volunteer ako for ACP kasi I wanted to utilize my skill set…it’s really my passion to give back using my knowledge as a chemistry major.

Hindi nag-atubiling ipabatid ng mga mag-aaral ang kanilang kagalakan sa naging karanasan nila, “Ang galing po nila magturo. Ang galing nila mag-experiment,” ani Cristian Alred Guillermo mula sa Industrial Valley Elementary School.

No’ng nasa jeep palang po kami, sigawan na kami nang sigawan kasi po ang ganda ta’s ang laki laki rin po,” pahayag naman ni Anthoneth V. Ligaya ng Holy Spirit Elementary School ukol sa kaniyang unang impresyon sa kampus. “Gusto namin mag-aral [sa Ateneo],” dagdag pa niya.

Nakatanggap ng sertipiko ang mga mag-aaral sa Escaler Hall bilang pagkilala sa kanilang husay at partisipasyon. Nagkaroon din ng mga palaro, gaya ng 4 Pics 1 Word at Dr. Kwak Kwak, upang maaliw ang mga mag-aaral at mas makilala ang isa’t isa.

Ipinahayag din ni Dr. Arvin Jay Boller, Ateneo Gabay moderator, ang pagkalugod at paghanga niya sa mga dumalong mag-aaral, “Salamat sa mga Erya kids…pinagpapatuloy niyo pa ring um-attend para matuto.” Dagdag pa niya sa kaniyang pangwakas na mensahe, “Sana kasama pa rin namin kayo by next year.

Nagtagumpay ang programa sa tulong at partisipasyon ng mga sumusunod: Project Heads Evea Marie Alviso at Tracy Nicole Descallar; Overseers Juliene De Los Santos at Pat Ludovice; Secretariat na binubuo nina Justine Diane Goño, Raphaella Ayan Retuta, Bernee Lucille Nicolas, at Joaquin Iñigo Castillejos; Programs na binubuo nina Janella Maris Estrada, Maria Louisa Filamor, Natalie Gem Armada, at Angel Kyla Andres; Logistics na binubuo nina Jean Efhraime Capin, Antonio Luis Banzon, Justine Carlo Miranda, at Jescel Mae Libiran; Partnerships na binubuo nina Jiro Reyen Romano, Lyana Roussu Aquino, Emmenuelle Clark Escondo, at Nicole Bienvenuto; Volunteer Managers Mikaela Keana Miguel, Jade Connery Ramos, Jillian Dominique Yu, John Matthew Mia, at Marc Kendrick Lim; at Creatives na binubuo nina Jenine Rose Dy, Jeanette Elaine Tolosa, Jeorgia Jesi Therese Estanislao, at Jillian Madison Lee.”








Christian Ang ftw